bonifacioWho Is Andres Bonifacio. Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas Sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio

Sa umagang ito po, nagtitipon tayo upang ipagdiwang ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio. Kasabay nito, ipinagbubunyi rin natin ang ika-80 anibersaryo ng pagpapasinaya ng monumentong ito—na hindi lamang nagsisilbing tanda ng kabayanihan ng Supremo, kundi simbulo rin ng paninindigan nating panatilihin ang kasarinlan ng Inang Bayan. Marahil, wala na ngang mas aangkop pang panahon upang sama-sama nating kilalanin ang kadakilaan ni Andres Bonifacio kundi sa pagkakataong muling sinusubok ang katatagan ng Pilipino, at ang pagmamahal ng bawat isa sa tinubuang lupa.

Nitong buwan lamang, humarap sa isang pambihirang hamon ang ating bansa. Sa lakas ng hagupit ng bagyong Yolanda, tila pinaluhod ng Inang Kalikasan ang kalakhang Kabisayaan. Sinakop ng ulan at ng rumaragasang alon ang mga komunidad, tinangay at winasak ang mga estruktura’t kabahayaan, at binawi ang buhay ng marami sa ating mga kababayan. Sa pananalanta ng bagyong Yolanda, hindi lamang naitala ang isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan— ipinararanas din sa atin ang isa sa mga pinakamatinding pagsubok sa ating bayan.

Kung babalikan ang mga pahina ng nakaraan, hindi na bago sa naratibo ng lahing Pilipino ang mga dambuhalang hamon. Bago natin nakamit ang kalayaan mula sa mga mananakop, mahigit 300 taong iginapos at ipiniit ang Inang Bayan sa kamay ng mga dayuhan. Pinayuko tayo ng mga banyaga, at pinaniwalang mas mababang uri ang ating lahi.

Inilalarawan ng mga imahen ng monumentong nasa aking likuran ang buod ng paghihirap at sakripisyong dinanas ng ating mga ninuno noong Himagsikang Pilipino ng 1896—mga ina’t anak na naghihinagpis habang nakikidigma ang Katipunerong ama; ang mga martir na Padre Gomez, Burgos, at Zamora na buong-loob na hinarap ang kanilang mapait na tadhana; at sa gitna, ang nakatindig na Ama ng Katipunan na si Gat Andres Bonifacio. Kung mapapansin, sila ang kumakatawan sa karaniwang Pilipino—nakayapak, nakarolyo ang manggas, at hitik sa pawis ang mga bisig—sila ang tumugon sa panawagan ng Inang Bayan upang magkaisa at maghatid ng makabuluhang pagbabago sa bansa.

Hindi nalalayo sa mga bantayog na ito ang mga Pilipinong tumindig at nag-alay ng kanilang bisig para sa kapwa nitong nagdaang bagyo. Nariyan ang mga kawal, pulis, at bumberong nagtaya ng kanilang sariling buhay sa pagsalba sa mga nasalanta, at araw-gabing nagtipon sa mga labi ng nasawi; mga nurse at doktor, na nagtayo ng mga sariling tolda upang makapaghatid ng agarang-lunas at makapagbigay-kalinga; mga volunteer sa loob at labas ng bansa, mula sa pribado at pampublikong sektor—naka-barong man, unipormado, estudyante, may titulo o wala—na nag-alay ng donasyon at kapit-kamay na nag-impake ng relief goods para sa mga pamilyang nabiktima. Tunay po: sa panahong itong humaharap tayo sa dambuhalang pagsubok, marami sa atin ang nagpaka-Pilipino.

Ito nga po ang diwa ng bayanihan: Mga bayani mula saanmang antas ng pamumuhay na nagkakaisa upang magpamalas ng malasakit, paninindigan, at pagkamakabayan. Ipinakita nating hindi lamang ito salita o konseptong nakaukit sa bato, kundi tunay na nakatatak sa pagkakakilanlan ng Pilipino. Pinapatunayan nating walang hindi kayang ihakbang pasulong, walang pangarap hindi kayang abutin, kung ang bawat isa ay handang mag-alay ng kanilang braso at balikat upang makiambag sa pagbubuhat ng pasanin ng buong bayan. Sa bayanihan, hindi iisa ang bida, bagkus, bayani ang bawat isa.

Di po ba, ganito rin natin kinikilala si Andres Bonifacio bilang isang bayani? Kinakatawan niya ang tapang, tatag, at determinasyon ng karaniwang Pilipino sa pagharap o paglaban sa anumang hamon o hadlang. Sa murang edad ay naulila siya; dinaan niya sa kayod at pagsusumikap ang kakulangan sa pagkakataong umunlad— nagtinda siya ng abaniko’t baston sa lansangan at namasukang bodegero para maitaguyod ang kinabukasan nilang magkakapatid. Kahit kapos ay hindi siya naubusan ng dahilan upang makakalap ng karunungan—natuto siyang magbasa at nakapagsulat ng mga sariling tula. Sa kalaunan, naging kasapi siya ng La Liga Filipina ni Jose Rizal, at naging isa sa mga tagapagtatag at pinuno ng Katipunan. Nilipon niya ang puwersa ng kanyang mga kababayan dahil batid niyang hindi niya kakayaning nag-iisa ang malakas na hukbo ng mga Kastila. Ang natitiyak niya: Nariyan ang kanyang mga kalahing handang lumaban para supilin ang pang-aalipin at makamit ang matagal nang inaasam na kalayaan. Nariyan ang mga Pilipinong, tulad niya, ay dumaan din sa sanduguan, at hinirang na mga Anak ng Bayan, hindi ayon sa kanilang rehiyon, kulay ng balat, o tangos ng ilong, kundi sa dedikasyong itaguyod ang isang marangal, payapa, at maunlad na bansa.

Sabi nga po sa Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan ni Andres Bonifacio: “Lahat ng iyong mabuting hangad ay magwawagi kapag ikaw’y may hinahon, tiyaga, katwiran, at pag-asa sa iyong inaasal at ginagawa.” Sa kanyang ika-150 taon, ipinapaalala niya sa sambayanang Pilipino: Anumang tayog ng hamon, laging may pag-asa, laging may solusyon sa mga problemang kinakaharap sa lipunan. Ang kanya lamang panawagan sa atin ngayon: Ituloy lang natin ang laban. Hindi kailangan pang hintaying maharap muli ang bansa sa isang malaking problema o sakuna, bago tayo kumilos at magkaisa. Araw-araw ay may mga kababayan tayong nakikipagtuos sa hirap ng buhay, nakikidigma sa gutom at kahirapan para lamang may harapin pang kinabukasan. Ang mga ganitong mukha ng pagdurusa ay dapat magtulak sa atin upang araw-araw ding iangat ang ating kapwa. Hangga’t mayroong nananatiling nakatindig na bantayog ni Andres Bonifacio, hangga’t may bandila tayong matayog na nakapaskil sa kalangitan, ituloy natin ang laban para sa mas makabuluhang kinabukasan ng buong sambayanan.

Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong lahat.

This entry was posted in Historical Papers & Documents, Speeches.

Note: SOURCE. I am reporting this because November 30 also happens to be my birthday!

Image SOURCE